Traffic enforcer, patay sa pamamaril sa Lapu-Lapu City

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 05:51 AM

CEBU - Patay ang isang traffic enforcer matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Lapu-Lapu City Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Edmund Boter, 56-anyos, na 3 taon na sa serbisyo.

Ayon sa mga testigo, naglalakad ang biktima nang sundan ng 2 lalaki hanggang sa barilin.

Papunta si Boter sa public market para tulungan ang isang kasamahan sa trabaho. Galing siya sa isang paaralan kung saan ito naka-assign.

Ayon kay Mario Napule, officer-in-charge ng City Traffic Management System, walang naiulat na kaaway ang biktima.

Palaisipan din sa pamilya ni Boter ang motibo sa pamamaslang.

Suspetsa ng mga pulis, posibleng napagtripan umano ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril. - ulat ni Carine Asutilla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.