Nakabubuhay na sahod, 'di abot' ng mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:09 PM | Updated as of Jul 04 2019 04:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala pa sa kalahati umano ng mga manggagawang Pilipino ang nakatatanggap ng nakabubuhay na sahod, ayon sa pag-aaral ng ilang grupo. 

Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, $254.28 (P13,594) kada buwan ang living wage sa Asya. 

Base naman sa 21.5 araw ng pagtatrabaho, P632 ang living wage kada araw. 

Ngunit ayon sa pag-aaral ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, nakitang P327 ang average nominal minimum wage sa buong bansa, at P212 lamang ang tunay na purchasing power nito. 

Dahil dito, hirap ang iilang manggagawa tulad ng cook na si Ogie Alba na habulin ang mga araw-araw na gastusin. 

Hindi na niya mapagkasya ang minimum wage at umuutang pa raw siya ng P2,000 kada buwan para mapunan ang kanilang mga pangangailangan. 

"Ito ngang ulam namin mahigit P200 na bigas pa, dinner pa," kuwento niya. 

Mungkahi ng ilang labor groups, kailangan na raw ipantay ang minimum wage sa buong bansa dahil iba't iba ang minimum wage ng bawat rehiyon. 

Ngunit pinanindigan ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi makatuwiran ang hinihingi ng mga labor groups dahil sa negatibo nitong epekto sa ekonomiya. 

"That's out of the question, kasi iba iba ang cost of living sa mga regions eh. You cannot have one minimum wage policy. It has to be by region," paliwanag ni Socioeconomic planning secretary Ernesto Pernia. 

Dagdag niya, mas maliit lamang ang epekto ng Tax Reclusion Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa 5.2 percent inflation rate ng bansa ngayong Hunyo. 

Mas malaki pa raw ang epekto ng presyo ng langis sa world market, pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa kakulangan sa supply, at ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.

Buwelta naman ng labor groups, magsasagawa sila ng malawakang protesta sa State of the Nation Address ng pangulo sa Hulyo 23 dahil umano sa pagbagksak ng kalidad ng buhay mga manggagawa dulot ng kapalpakan ng pamahalaan.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.