P4.3-M halaga ng palay napinsala ng Bagyong Falcon sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 01:00 PM

MANILA - Napinsala ng pag-ulang dala ng bagyong Falcon ang nasa P4.3 milyong halaga ng palay sa mga bayan ng Valladolid at San Enrique sa Negros Occidental, ayon sa inisyal na tala ng provincial agriculture office Miyerkoles.

Naitala ang pinsala sa 676 ektarya ng palayan sa 21 barangay, sabi ni Dina Gensola, supervising agriculturist ng naturang tanggapan.

Mas malawak aniya ang pinsala sa bayan ng Valladolid, kung saan 400 ektarya ang nalubog sa baha.

Karamihan sa apektadong palayan ay nasa seedling stage pa lang, dagdag ni Gensola.

Hinikayat niya ang nasa 430 na magsasaka na nawalan ng mga pananim na asikasuhin ang mga kinakailangang dokumento upang makapag-claim ng insurance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.