Lalaki inireklamo ng 'sextortion' ng 18 anyos

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 08:26 PM | Updated as of Jul 17 2019 11:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagbantang ikakalat ang sex video nila ng 18 anyos na babae kung hindi ito magbibigay ng pera. 

Hindi na nakapalag pa si alyas "John" nang paligiran siya ng NBI Special Action Unit matapos niyang tanggapin ang P20,000 na hiningi niya sa biktimang si alyas "Nemo."

Inamin ni Nemo na pumayag siyang makipagtalik kay John, 21, matapos silang magkakilala sa Facebook pero hindi niya alam na kinuhanan pala siya ng video sa motel kung saan sila unang nagkita.

"Nung una hindi ako naniwala tapos 'blinock' ko na siya. Tapos parang na-obsess na siya sa akin," sabi ni Nemo.

Pero lalong nagalit si John at tuluyan nang pinagkalat ang retrato ng kanilang pagtatalik. 

Nanay pa umano ng biktima ang unang nakatuklas sa kumalat na larawan ng anak. 

Doon na nanghingi si John ng pera kapalit ng hindi niya pagpapakalat sa mismong video kaya nagsumbong na sa NBI ang pamilya ng biktima. 

Matapos masakote, nagsisi na umano ang suspek sa nangyari pero desidido ang biktima na ipagpatuloy ang reklamo. 

Kulong si John sa mga kasong extortion, at paglabag sa Anti Violence Against Women and Children Act at Anti-Photo and Video Voyeurism Law.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.