Assistant manager ng fastfood chain sa Iloilo, natagpuang patay

Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 12:39 PM

Natagpuan ang biktimang duguan at nakahiga sa kama sa loob ng kaniyang kuwarto. Larawan mula kay Rhuel Senon

PAVIA, iloilo – Patay na nang matagpuan ang isang 22-anyos na babae sa loob ng kaniyang kuwarto sa Purok IV, Miyerkoles ng umaga.

Mismong ang kapatid ng biktima na kararating lamang mula sa Barotac Nuevo ang nakadiskubre sa kaniyang bangkay.

Ayon sa kapatid, nakita niyang bukas ang pinto ng kuwarto ng biktima. Nang silipin, doon bumungad sa kaniya ang duguang kapatid na nakahiga sa kama.

Magkatabi lang ang kuwarto ng biktima at ng kaniyang ina pero blanko rin ito kung may iba bang pumasok sa kanilang bahay.

Ayon kay Police Lt. Col. Hilarion Roga ng Scene of the Crime Operatives, walang pang ibabang saplot ang biktima. May sugat siya sa ulo na tumagos sa kaniyang utak. Wala namang nawala sa personal na gamit ng biktima at wala ring nakitang forcible entry sa kuwarto.

Nakitaan din ng sugat sa kamay ang biktima na posibleng defense wound.

Inaalam pa ng awtoridad kung ginahasa din ang biktima.

Ayon kay Maj. Ferdinand Limbungan, hepe ng Pavia Police, nagtatrabaho bilang assistant manager sa isang fastfood chain sa bayan ang biktima. Inihatid pa siya ng kaniyang kaibigan Martes ng gabi.

Base sa kapatid, may nakaalitan dati ang biktima sa mall kung saan siya nagtatrabaho pero naayos na rin naman daw iyon.

Wala pang person of interest ang pulisya pero patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.