Anti-jaywalking unit ng MMDA tigil-operasyon muna

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 09:42 PM

Pinatigil noong Miyerkoles ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon ng kanilang Anti-Jaywalking Unit matapos mabisto ang ilang miyembro nito na namemeke ng mga resibo sa mga violator.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, nabuking nila ang modus na pamimigay ng mga pekeng resibo ng mga traffic aide na sina Joanna Eclarinal, Jonathan Natividad, at Frederick Arucan.

Nakakulong na sa Makati City Jail si Eclarinal habang patuloy na tinutugis ng National Bureau of Investigation sina Natividad at Arucan.

Ayon kay Garcia, iniimbestigahan din ang 48 miyembro ng Anti-Jaywalking Unit.

Hinala umano ni Garcia ay hindi puwedeng iilan lang ang sangkot sa scam.

Maging ang printing office kung saan pinagagawa ng mga suspek ang pekeng resibo ay pananagutin din sa oras na matunton umano ng NBI.

Hindi muna puwedeng manghuli ang Anti-Jaywalking Unit at sa halip, mga lokal at ibang MMDA enforcer muna ang manghuhuli habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. 

Inilagay naman sa floating status ang hepe ng unit na si Salvador Galang.

Dinistrungka ni Garcia ang opisina ng unit ng mga suspek para makahanap pa ng ibang katibayan laban sa kanila.

Hinimok din ni Garcia ang lahat ng mga natiketan ng unit — iyong mga nakipag-areglo sa kalsada at naglagay sa mga enforcer — na magreklamo.

Sa tantiya ni Garcia ay halos P150,000 kada buwan ang kita ng mga tiwaling enforcer gamit ang mga pekeng resibo.

Nagpaalala ang MMDA na sa cashier ng MMDA office magbayad ng traffic violation at huwag sa mga enforcer. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.