10 porsiyento ng establisimyento sa Boracay, 'baka' di na magbukas: DENR

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 03:25 PM | Updated as of Jul 17 2018 03:26 PM

Nakatakdang muling magbukas ang isla ng Boracay sa Oktubre ngunit 10 porsiyento sa mga establisimyento dito ay maaaring hindi na mag-operate muli. 

Ayon kasi sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), lahat ng permit ng mga negosyo sa Boracay, partikular na ang Environmental Compliance Certificate, ay kanselado bilang paghahanda sa reopening.
    
"We have to suspend all ECCs [but] there will be re-issuance, depende sa kanilang compliance. So clean slate ito...They will be required three permits eh. The business permit from the Department of the Interior and Local Government (DILG), the tourism permit from Department of Tourism (DOT), and the ECC from the DENR," ani Environment Secretary Roy Cimatu.

Rebelasyon ni Cimatu, 10 porsiyento ng mga establisimyento ay non-compliant at maaaring hindi na muling makapag-operate, kabilang na ang 26 na napag-alamang diretsong ibinubuga sa dagat ang kanilang maruming tubig.

LAGAY NG REHABILITASYON

Kinumpirma rin ng kalihim na nag-umpisa na ang pag-demolish sa private structures na malapit sa Boracay Circumferential Road.

Ito kasi ang gagawing alternatibong ruta sakaling ipasara na ang Main Road dahil sa ginagawang rehabilitasyon.

Pormal na iaanunsiyo ng DENR ang mga bagong alituntunin kaugnay sa pagbubukas ng Boracay sa inter-agency meeting sa Hulyo 27.

Kuwento ni Cimatu, malaki na umano ang pagbabago sa isla sa loob lang ng tatlong buwang rehabilitasyon.

Mas naging malinis, natanggal ang mga nakaharang na estruktura, at pinalapad daw ang kalsada sa tanyag na tourist spot.

"Boracay si no longer a cesspool," pagmamalaki ng kalihim.

—Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.