Panawagan ng 'Solid Kapamilya' sa noise barrage: Prangkisa ng ABS-CBN ibalik

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 08:23 PM | Updated as of Jul 16 2020 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sa harap ng anunsiyong magkakaroon na ng malawakang tanggalan ng mga empleyado, nag-ingay ang iba't ibang grupo, sa mga noise barrage sa iba't ibang sulok ng bansa at ng mundo para ipanawagan sa gobyerno na ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN.

Miyerkoles nang inanunsiyo ng ABS-CBN na magbibitaw sila ng mga empleyado, matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network giant para sa bagong prangkisa.

Bago nito, natigil sa pag-ere ang network sa free television, alinsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission na inilabas nang mapaso ang prangkisa ng network.

Kasama sa noise barrage sa ABS-CBN compound sa Quezon City ang ilang madre at religious groups na ipinalangin ang kapakanan ng empleyado ng network at sa kalayaan sa pamamahayag.

Nagrosaryo rin sila sa harap sa ABS-CBN at nagtulos ng kandila.

Para sa kanila, malaking bagay ang panalangin para maibalik ang prangkisa ng kompanya, at mapagtagumpayan ang laban ng network.

"Sa totoo lang, nung hindi na-award ang franchise niyo, nalungkot kami kasi ang laki ng natutulong ng ABS-CBN especially on broadcasting we follow the issues tapos isasara nila bakit dahil hindi sila sinuportahan nung eleksyon? That is a very shallow reason," ani Sr. Teresita Alo.

"Too much already eh we feel so helpless at naisipan namin na prayer na lang amin, I think the best weapon now is prayer, we are praying the rosary kasi ang rosary is the strongest weapon against evil," ani Norma De Leon ng Prayer Batallion for Truth and Justice.

May mga Kapamilya ring nagsagawa ng noise barrage sa Barangay 471.

Hiling nila na maibalik na sa kanilang telebisyon ang mga programa ng ABS-CBN na pinagkukuhanan nila ng balita at kasiyahan.

"Ang ABS-CBN, hindi naman ho kami blind loyalty. Kung may mali, e'di mali. Andami namang remedial measures. Kung mali, itama, kung sobra, kalusin, pero ang patayin? Dinamay niyo kami!" ayon sa isang residente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bago nito, nagtipon-tipon din ang mga Solid Kapamilya sa mga bureau ng ABS-CBN sa Naga, maging sa Amerika para kalampagin ang balik-operasyon ng network.

Kabilang dito ang naga City, kung saan umalingawngaw sa kalsada ang mga busina ng mga sasakyan.

Ang 67 anyos na si Marilyn Pequeña, na nakatira ilang metro mula sa istasyon ng ABS-CBN Naga, napatakbo rin sa istasyon kung saan isinasagawa ang noise barrage.

Nag-ingay rin kasama ang mga kapitbahay sa harap ng himpilan si Marlon Avarro, isang food delivery rider.

May kani-kaniyang bitbit ng placard ang mga taga-suporta.

Pinaalalahanan din nila na sumunod ang mga ito sa physical distancing.

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot din hanggang Amerika ang noise barrage ng mga Kapamilya.

Dinaluhan ng mga Pilipino mula East Coast hanggang West Coast ang inorganisang "Noise Barrage for Press Freedom."

"Para sa amin pong mga Pilipino sa Amerika at sa Canada ito po’y isang malaking pagsiil po sa ating Kalayaan, malaki pong pagsupil sa mga karapatan at pagsupil po ng aming
hangarin na magkaroon mg malayang pagpapahayag," ani Ago Pedalizo ng Filipino-American Human Rights Alliance, na kinondena ang pagpatay sa prangkisa ng network.

Matapos pasalamatan ang nagsidalo, ang sabi naman ni ABS-CBN Global Managing Director Jun Del Rosario na hindi dito nagtatapos ang pakikibaka para sa malayang pamamahayag.

"This is really a work of tyranny this is a work of somebody who seeks to silence the voices of people so that the country can be ruled with impunity. Let us continue to fight for ABS-CBN and the 11,000 workers who were displaced economically, fight for democracy! Keep the light of freedom burning on our darkest night," Jun Del Rosario.

-- Ulat nina Don Tagala, Adrian Ayalin, at Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.