Palasyo kumbinsidong hindi lumalala ang COVID-19 situation sa Metro Manila

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 07:41 PM | Updated as of Jul 16 2020 10:05 PM

Commuters wait for a ride along Commonwealth Ave on June 1, 2020, the start of the general community quarantine in Metro Manila. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Sa kabila ng tumaas na bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Metro Manila at ang tila pagkaubos ng mga kama sa ospital para sa severe cases, kumbinsido si Presidential spokesperson Harry Roque na hindi pa maituturing na lumalala ang sitwasyon ng pandemya sa rehiyon.

Aniya, kaya hindi makagradweyt pa-modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila ay dahil hindi nito maibaba ang case doubling rate, o ang panahon bago dumoble ang bilang ng kaso ng mga tinatamaan ng virus.

Ilang linggo nang naglalaro sa 7 hanggang 9 na araw ang doubling rate sa Metro Manila.

“So, hindi naman po lumalala. Iyan ang katotohanan kung pagbabasehan natin ang case doubling rate. Bagaman ngayon po ay medyo mataas ang utilization natin ng ICU beds ano. Pero inaayos natin siyempre. Kung kaya natin abutin ang zero transmission, bakit hindi?" ani Roque.

Samantala, bago nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong quarantine classification simula ngayong Huwebes, kumunsulta muna siya sa ilang mga eksperto, isang parte ng ulat sa bayan kagabi na hindi na naipakita sa publiko.

Ayon kay Roque, nais kasing makatiyak ng Pangulo kung tamang desisyon ang pagbubukas ng ekonomiya.

“Tinanong po niya talaga sa mga doktor at mga dalubhasa sa meeting - 'Kaya na ba buksan ang ekonomiya bagaman tumataas ang numero?' Ang naging kasagutan ng lahat, kasama na po ang UP diyan, ay kakayanin naman po, basta ipatutupad ang ating stratehiya - localized lockdown, mas maigting na testing tracing at treatment," ani Roque.

Matatandaang aprubado na dapat ng Pangulo na maghigpit sa Metro Manila at ibalik ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Hulyo 31. Pero umapela ang mga mayor ng National Capital Region at sinabing mas paiigtingin na lang nila ang localized lockdown at iba pang stratehiya para iwasan ang pagkalat ng virus.

Samantala, sa Resolution 55-A ng Inter-Agency Task Force (IATF), inuutusan ang local government units (LGUs) na magsumite ng mga datos sa COVID-KAYA platform.

Kabilang na dito ang daily trend ng mga aktibong kaso, number at percent ng populasyon na apektado ng COVID-19, porsyento ng close contacts na nasa quarantine facilities, utilization ng isolation beds, heath capacity targets, at resulta ng mga imbestigasyon ng kani-kanilang COVID special teams.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.