Pag-downgrade ng quarantine sa Cebu City di umano ramdam ng mga residente

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 08:55 PM | Updated as of Jul 16 2020 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CEBU CITY — Hindi nararamdaman ng mga tagarito ang pagbaba ng quarantine status sa modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil maraming mga negosyo ang hindi pa rin nagbukas dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng COVID-19. 

Sa unang araw ng pagpapatupad ng MECQ, walang katao-tao ang mga lansangan. Pero mahigpit na binabantayan ng mga pulis ang mga border checkpoint sa bawat barangay.

Sa downtown, mistulang ghost town pa rin dahil kakaunti pa rin ang mga negosyong nakabukas.

Ang iba ay nanatiling sarado kahit pinayagan na sila mag-operate muli buhat ng guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Ayon sa ibang taga-Cebu City, wala halos epekto ang pagbaba ng quarantine status.

"Hindi makalabas pa rin, sobrang istrikto," ani Roselle Aupe, residente. 

Hindi naman ikinatuwa ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na MECQ ang rekomendasyon ng IATF dahil bumaba na umano ang mga kaso ng COVID-19 doon at marami na ang gumagaling.

Sa tala ng Department of Health, umabot na sa mahigit 7,600 ang nagka-COVID-19 sa siyudad at 3,155 ang nanatiling mga active cases habang 4,141 naman ang nakarekober na.

Pero susunod na lang ang alkalde sa panuntunan, aniya.

"We'll just follow the protocol, the minimum requirements... We advise our constituents to comply with it," ani Labella. 

Para mahikayat ang ibang negosyo na magbukas na ay nagpatawag ng meeting ang mayor at tinalakay ang mga safety health protocols sa kanilang mga operasyon.

    

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.