Mga tauhan ng PH Coast Guard na tinamaan ng COVID-19 higit 300 na

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Higit 300 personnel na ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang ang swab testers at drivers ng locally-stranded individuals, ang naitalang nagpositibo sa COVID-19. 

Nitong Huwebes ng umaga, umabot na sa 313 personnel ng PCG ang naitalang may COVID-19, pero 83 dito ay nakarekober na.

"Merong dalawa na nasa ospital pero the rest ay asymptomatic at naka-recover naman... Frontliner ang unang case namin sa checkpoint sa pier, 'yung mga nagche-check ng mga barko na dumarating," ani Commodore Armand Balilo, spokesperson ng PCG. 

Aminado ang PCG na magkukulang sila ng personnel kaya kinukuha nila maging mga tauhan nila sa ibang probinsya bilang kapalit muna.

Ilang bagong tauhan rin nila ang kanilang sasanayin para sa swab testing. 

Habang naka-duty, bawal sila umuwi at bawal din sila lumabas sa mga lugar kung saan sila naka-assign para masigurong hindi sila mahahawa ng coronavirus.

Naghihintay naman ng resulta ng swab tests ang mga papalit sa mga naka-duty. 

Ayon pa sa PCG, hindi sila nagkukulang sa paalala sa kanilang mga personnel.

May mga supply din sila ng vitamins, personal protective equipment sets at mga gamot.
    
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.