Motorsiklong nawalan ng preno, nahulog sa bubong ng bahay

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 05:56 PM

Sa bubong ng bahay ng pamilya Bejerano sa Zamboanga City nahulog ang rider at motorsiklo nito matapos umanong mawalan ng preno. Ang bahay ay nakatayo sa gilid ng kalsada na may lalim na limang metro. Larawan mula kay Carmelito Bejerano.

ZAMBOANGA CITY – Laking gulat ng isang pamilya sa lungsod na ito nang biglang mahulog sa bubong ng kanilang bahay ang isang motorsiklo, Miyerkoles ng hapon.

Pagmamay-ari ni Lumbangan Barangay Chairman Carmelito Bejerano ang bahay na nakatayo sa gilid ng daan na may lalim na limang metro mula sa kalsada.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng preno ang motorsiklo na naging dahilan upang aksidenteng mahulog ito sa gilid ng daan at bumagsak sa bubungan ng bahay. 

Nagtamo ng sugat sa mukha ang motorista at ngayon ay nagpapagaling na sa ospital. 

Bagaman may damage sa bubong ng kanilang bahay, wala namang nasaktan sa pamilya Bejerano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.