Local transmission ng COVID-19, naitala sa 2 bayan sa Davao de Oro

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 01:44 AM

Nagtala nitong Martes ang mga bayan ng Monkayo at Maragusan sa Davao De Oro ng mga kaso ng local transmission ng COVID-19.

Kinumpirma ni Monkayo Mayor Ramil Gentugaya na ang ika-5 kaso ng COVID-19 sa bayan niya ay local transmission dahil ang pasyente na ito ay nahawaan ng ikatlong pasyente ng lungsod.

Ayon kay Gentugaya, hindi pa lumabas ang resulta ng swab test ng ikatlong pasyente nang umalis ito agad sa isolation area. Ibinalik agad siya sa quarantine facility, pati ang mga nagpositibo at ang buong pamilya na na-expose sa pasyente.

Dahil dito, isinailalim agad sa localized enhanced community quarantine ang NHA Damsite resettlement area sa Barangay Union, kung saan nakatira ang mga pasyente.

Sa Maragusan naman, ang ikaapat na kaso ng COVID-19 sa naturang bayan ay nahawaan ng kaniyang anak na siyang ika-3 kaso ng COVID-19 sa lugar.

Asymptomatic ang mga pasyente at nasa quarantine facility na.

Sa huling tala ng Department of Health-Davao Region, 818 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.