Batangas solons na bumoto para sa balik-ere ng ABS-CBN, pinuri

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 01:25 AM

BATANGAS - Pinuri ng ilang alkalde sa Batangas ang 2 mambabatas sa kanilang lalawigan na bumoto para i-renew ang franchise ng ABS-CBN.

Para kay Ibaan Mayor Joy Salvame, hanga siya sa ipinakitang tapang ni Batangas 4th District Rep. Lianda Bolilia.

Kasama si Bolilia sa tinaguriang "Brave 11" na bumoto para pabalikin sa ere ang ABS-CBN matapos pabayaan ng Kamara na mapaso ang prangkisa nito noong Mayo 4. 

Nasa 11 panukala ang dating nakabinbin sa mababang kapulungan para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN simula pa noong 2014.

"I am very proud because she was able to stand up. Hindi madali 'yun. Probably kung ako ang tatanungin, hindi madali ang tumayo at manindigan basta-basta," ani Salvame.

Suportado rin ni Lipa City Mayor Eric Africa si Deputy Speaker at Batangas 6th District Rep. Vilma Santos-Recto na isinulong ang bagong prangkisa ng ABS-CBN matapos masagot ng network at mga ahensiya ng gobyerno ang mga isyung ipinukol dito.

"I support her 100 percent and I'm proud na siya ang congresswoman namin dahil ni-represent niya 'yung voice ng mga taga-Lipa," ani Africa.

"The mere fact na kahit sila ay 11, sila’y nanindigan. It speaks so much about her integrity... kaniyang prinsipyo at paninindigan at 'yan ang mukha ng mga taga-Lipa," dagdag ng alkalde.

Sa panayam ng ANC nitong Lunes kay Santos-Recto, sinabi nitong nakahanda siya sa anumang kahihinatnan ng kaniyang desisyon.

"Well, it happened to me already when I voted 'No' do'n sa death penalty... Sinabi nila na kailangan na masuportahan 'yung major bill na 'yun death penalty. I stood my ground and I voted 'No' so I lost my chairmanship," aniya.

"Kung ano man 'yung naging desisyon dito sa renewal na franchise ng ABS-CBN at magkakaron ulit ng mga gano'ng consequences, I think I'm prepared for that," dagdag nito.

Aminado namang pareho si Africa at Salvame na malaking epekto sa kanilang mga nasasakupan ang pagkawala ng ABS-CBN sa free TV. Hangad rin nila na makabalik agad sa ere ang Kapamilya network. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.