ALAMIN: Mga panukalang inaasahang tatrabahuhin sa 18th Congress

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagbubukas ng 18th Congress, inaasahan ng mga political analyst na tatapusin ng mga mambabatas ang naiwang trabaho ng 17th Congress.

Kasama rito ang kasunod na tax reform package, mga batas pang-ekonomiya, charter change, pagbabalik ng mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC), pagbabalik ng death penalty, at pagbaba sa edad ng pananagutan sa batas.

"'Yong 18th Congress would be a very interesting Congress mainly because we have many landmark proposals," ani Jean Franco, propesor ng political science sa University of the Philippines.

Pero 3 lang sa mga prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (Ledac) ang magiging prayoridad ng mga senador sa 18th Congress.

Hindi prayoridad ng mga senador ang death penalty at pederalismo.

Mas pabor umano ang mga senador sa emyenda sa Local Government Code at charter change para luwagan ang limitasyon sa foreign investments.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay dudang matatapos ang usapin ng pederalismo sa panahon niya.

Noong 17th Congress, nadiskaril ang charter change nang magbanggaan ang Consultative Committee, Kongreso, at mismong economic managers ng pangulo.

"It was an odd situation once again na the reform being pushed by government and supposedly government's allies are also being critiqued within government," ani Ronald Mendoza, dean ng Ateneo School of Government.

"The greater damage was caused from within by the very Cabinet members of the president," sabi naman ni Julio Teehankee, political science professor sa De La Salle University.

Sa katatapos lang na 17th Congress, natapos daw ng Kamara ang lahat ng 2018 State of the Nation Address priorities. Dalawa lang sa mga ito ang naihabol ng Senado: ang security of tenure at mas mataas na buwis sa sigarilyo.

Bago nito, naisabatas ng 17th Congress ang higit 30 prayoridad gaya ng 2018 budget, tax reform law, Bangsamoro Organic Law, Universal Health Care, libreng irigasyon, libreng college tuition, national ID, mas mahabang bisa ng pasaporte at drivers' license, at iba pa.

"All the bills that I focused on which were written out in the State of the Nation Address of the president in 2018 were all passed by our chamber," ani dating House speaker na si Gloria Macapagal-Arroyo.

"We really lost the time. Remember, we're only 24, there are almost 300 congressmen," ani Senate President Tito Sotto.

Bukod sa pagpasa ng bills, kumain din sa oras ang mga imbestigasyon tulad ng kina Sen. Leila de Lima, dating chief justice Maria Lourdes Sereno, at ang war on drugs.

"How do you balance the competing requirements or tasks of the legislature?" ani Francisco Magno ng De La Salle University.

Ininda na rin ng mga politiko ang halalan 2019 kaya hindi natapos ang ilang panukala.

"Politicians normally would not want major changes especially if the election period is nearing," ani Franco.

Pero kahit kakampi ng pangulo ang mayorya sa Kongreso, hindi pa rin daw basta-basta makukuha ng pangulo ang gusto niya.

"Just one senator can throw a monkey wrench in any legislation," ani Sotto.

Dahil abot-tingin na ang 2022 presidential elections, maaaring maging abala na ang mga politiko rito kaysa sa agenda ng pangulo.

"Isa't kalahati hanggang 2 taon lang iyan kasi iyong huling taon, nag-iisip na talaga iyong ating mga pinuno ng papalit," ani Mendoza.

Huling baraha pa raw ng pangulo ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na nakikitang tatakbong pangulo sa 2022.

"That makes it parang, daunting for anyone to openly challenge the president for as long as they're not sure that Sara Duterte will not run," ani Franco.

Para kay Sotto, dapat ay pakilusin ang LEDAC para magtugma ang mga agenda ng Palasyo at Kongreso.

Sa nakaraang 3 taon, wala pa raw kasing 12 beses nag-LEDAC.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.