24 hinuli sa Quezon City dahil sa paglabag sa mga ordinansa

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2018 09:26 AM

MANILA - Hinuli sa iba't-ibang lugar sa Quezon City ang 24 tao dahil sa paglabag sa mga ordinansa.

Dinampot ng mga baranggay tanod at pulis ang mga ito dahil pag-iinuman sa kalsada, paninigarilyo sa pampublikong lugar, pagmomotorsiklo nang walang suot na helmet at paglalakad sa kalsada nang walang damit pang-itaas.

Ayon sa pulisya, matapos i-rekord ang pangalan ng violators, inaalam kung may warrant of arrest o criminal record ang mga ito.

Kapag wala, pinapayagan nang umuwi ang first offenders, habang pinagmumulta naman ng P500 pataas ang second offenders pataas.

Ayon kay Jessica Magculang, tanod ng Brgy. Kamuning, hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga residente ukol sa pagsunod sa mga ordinansa lalo pa't halos araw araw na itong binabalita.

Giit naman ng ilan sa mga nahuli, may pupuntahan lang silang malapit kaya nagulat sila nang sila'y hulihin.

- ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.