Lalaki tiklo sa pagnanakaw umano ng cellphone ng natutulog na kababata sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 11:27 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos nakawin umano ang cellphone ng isang tricycle driver na natutulog sa Sampaloc, Maynila. 

Napag-alamang kababata pala ng biktima ang suspek, base sa imbestigasyon ng Sampaloc police.

Sa kuha ng CCTV, mahimbing ang tulog ng biktima sa kaniyang tricycle sa Dimasalang corner Maceda Street bandang alas-10 ng gabi ng Linggo. 

Makikitang lumapit sa tricycle ang suspek, at tila may hinuhugot mula sa bulsa ng driver. 

Tinanggal ng suspek ang nakakabit na earphones ng biktima at saka naglakad palayo. 

Giit ng suspek, gigisingin niya lang dapat ang biktima. 

"Gigisingin ko dapat siya. May kasama akong babae. Inano niya po ako na kuhanin ‘yong cellphone kaya nagawa ko ‘yong mga bagay na ‘yon," ayon sa suspek. 

Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya na dati na ring may kasong rape ang suspek pero na-dismiss ito, ayon kay Police Maj. Roldan Decita ng Sampaloc Police. 

Naibalik man ang cellphone, tuloy ang pagsampa ng kasong theft at paglabag ng curfew laban sa suspek. 

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.