Ilipat sa quarantine facilities ang mild, asymptomatic COVID-19 cases: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 02:46 PM

MAYNILA - Nananawagan ang grupo ng mga pribadong ospital na magpa-admit o ilipat sa mga quarantine facility ang mga asymptomatic at mild COVID-19 patients, matapos mapuno ang nasa 40 ng kanilang mga ospital sa Metro Manila. 

Paliwanag ni Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, ito ay para matutukan nila ang mga mas malalang kaso ng COVID-19 na nagpapa-admit sa kanila. 

"Pinapaliwanag po natin na hindi po tatanggihan, gagawan po ng paraan sa emergency room 'yun mga pasyente po na dadalhin kaya lang po 'pag 'yung mga mild saka yung asymptomatic, ipapasa natin dun sa quarantine spaces na provided ng government,” ani Jimenez sa panayam sa Teleradyo. 

Nabanggit ng mga pamunuan ng mga ospital, gaya ng St. Luke’s Medical Center na puno na nang pasyente ang critical care units ng kanilang mga ospital. 

Puno na ang intensive care unit (ICU) ng Quezon City at Global City hospitals ng St. Luke’s at mapupuno na rin ang kanilang COVID-19 ward, ayon sa chief medical officer ng ospital na si Benjamin Campomanes. 

Ang National Kidney and Transplant Institute, nanganganib na rin na maubusan ng kama na ilalaan para sa mga COVID-19 patients, ayon sa executive director ng ospital na si Rose Marie Liquete. 

Umaabot na aniya sa 120 ang nadadalang pasyente sa kanilang emergency room, malayo sa kanilang kapasidad na 44 lamang. 

Aabot naman sa 311 pasyente ang naka-confine sa iba’t ibang COVID-19 quarantine facilities sa Maynila, ayon sa datos ng Manila health department. 

Katumbas anila ito ng 67 porsiyentong occupancy rate. 

Binanggit naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maluwag pa o marami pang bakante sa mga quarantine facility ng mga lokal na pamahalaan. 

Maaari aniyang ilipat o dalhin doon ang mga pasyenteng may mild at asymptomatic cases. 

Sa datos ng Department of Health, nasa 57,006 ang bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa. 

Dito, nasa 20,371 ang gumaling sa sakit, at may 1,599 na namatay. 

— May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.