Duterte pinabagsak umano ang oligarkiya; senador tinawag itong 'gawa-gawa'

Joyce Balancio, Pia Gutierrez, Robert Mano, at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 07:14 PM | Updated as of Jul 14 2020 09:51 PM

MAYNILA — Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na napabagsak niya ang oligarkiya ng bansa nang hindi nagdedeklara ng martial law.

Sa isang talumpati, sinabi ni Duterte na puwede na raw siyang mamatay nang masaya matapos buwagin ang oligarkiya na umano’y nagkokontrol sa ekonomiya ng bansa.

Sa in-edit na talumpati ng Pangulo, hindi niya tinukoy ang sinasabi niyang oligarch. Pero aniya, isa ito sa mga makapangyarihang pamilya na gumagamit ang impluwensiya at kapangyarihan sa halalan at politika.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Without declaring martial law, sinira ko ‘yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad... Every election noon o sa ngayon o bukas sabihin nila sa isang kuwarto lang ‘yan, ‘O adre, sinong kandidato natin ngayon? O ikaw diyan, ikaw ang bahala sa ano ha, you raise the funds... Lima ata lang ang tao. Isang pamilya lang ang nag-uusap diyan. Ganun nilaro nila ang bayan ko. Kaya ako mamatay, mahulog ‘yung eroplano, p***** i**, I am very happy. Alam mo bakit? Sabi ko without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controlled the economy of the Filipino people," ani Duterte.

Sinabi ito ng Pangulo ilang araw lamang matapos patayin sa Kongreso ang aplikasyon para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Ilang beses nang nagbanta ang Pangulo na haharangin nya ang franchise renewal ng network.

Iginiit naman ng tagapagsalita ng Pangulo na hindi ang pamilya Lopez ang tinutukoy ni Duterte. 

Itinanggi rin ng Palasyo ang mga paratang na sa laban ng Pangulo sa oligarchs, siya rin mismo ang nagpa-usbong sa yaman ng ilang pamilya. 

"Wala po kasi si Dennis Uy po they built their fortune because of mining and coal in Diwalwal. So no one can doubt na gold-producing ang Diwalwal. So huwag po nating isipin na ang kayamanan niya ay because of President Duterte. Matagal na po siyang mayaman," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Binatikos naman ni Sen. Kiko Pangilinan ang naging pahayag ni Duterte dahil COVID-19, gutom at kawalan ng panggastos at trabaho ang problema at hindi mga oligarkiya.

"Gawa-gawa lang nila 'yung problema ng oligarchs para linlangin ang taumbayan dahil hindi nila alam at wala silang maipakitang magandang resulta kung paano solusyonan ang palpak at makupad na pamumuno sa pagsugpo ng COVID-19," sabi ni Pangilinan.

Naniniwala rin si Pangilinan na may chilling effect ito sa business sector. Sigurado aniyang mawawala ang foreign investors maliban na lamang sa mga Chinese na tila paborito ng pamahalaan.

Tinawag naman na kasinungalingan ng isang grupo ng manggagawa ang pahayag ni Duterte.

"Sinungaling! Mga oligarch na laban sa kanyang tyrannical rule, 'yun ang babanatan nya. Pero ang mga oligarch na kakampi nya 'yun ang bubusugin nya at ipagtatanggol. Nagpalit lang ng mukha ang oligarkiya sa katauhan ng mga crony ni Duterte," ani Jerome Ddonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno.

Ganito rin ang pananaw ni Bishop Broderick Pabillo at ng Action for Economic Reforms.

"Katulad ni Marcos noong panahon ng martial law, tinanggal niya ang mga makapangyarihan para mailagay ang kanyang cronies... Hindi naman talaga siya against sa oligarkiya. In fact, against siya sa mga kaaway niya. Siya mismo ang nag-aalaga ng oligarkiya, powerful families na kanyang inaalagaan," ani Pabillo.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Mas masaya sana ako kung ang sabihin niya bubuwagin niya hindi lang ‘yung oligarkiya eh, ‘yung political dynasties na ngayon ay ginagawang negosyo ang pag-upo sa executive at legislative branches ng gobyerno," sabi naman ni Jessica Reyes-Cantos, presidente ng Action for Economic Reforms.

Para naman sa ekonomistang si Calixto Chikiamco, kung sinsero si Duterte na wakasan ang oligarkiya sa bansa, dapat ay itinutulak niya ang pagkakaroon ng higit na kumpetisyon sa mga industriya, di tulad ng epekto ng pagpapasara sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.