Buffer stock ng PPEs sa Mindanao hiniling na mapunan

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 10:59 PM | Updated as of Jul 14 2020 11:43 PM

MAYNILA - Pinasisiguro ng ilang mambabatas sa Department of Health (DOH) ang paglalaan ng buffer stock ng personal protective equipment (PPEs) sa Mindanao.

Sa presentation nitong Martes ni DOH Usec. Abdullah Dumama Jr. sa briefing ng mga ahensiya ng pamahalaan sa mga isinasagawang tulong kasabay ng COVID-19 pandemic, lumalabas na malaki ang bilang ng pangangailangan para sa PPEs sa mga lalawigan ng Mindanao.

Sinita ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter “Sharky” Palma II ang kakulangan ng PPEs sa Region 9 na aabot lamang sa 16,460 ang natanggap at kakailanganin pa ang nasa 37,470 PPEs.

Pangamba ni Palma, unti-unting sa pagbubukas ng mga commercial flights sa Mindanao at ng ekonomiya ay tataas pa ang bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon at posibleng kulangin ang suplay ng PPEs para sa frontliners.

Giit ng kongresista, huwag naman sanang ituon lamang sa Luzon ang suplay ng PPEs dahil maski mismo sila ay gumagawa na ng paraan upang mapunan ang kakulangan sa PPEs doon.

Sinabi naman ni DOH-9 Regional Director Emilia Monicimpo, sa central office pa nanggagaling ang alokasyon para sa PPEs at nagbabahagi nito sa iba’t ibang medical facilities sa iba’t ibang rehiyon.

Siniguro naman ni Dumama na aaksyunan na nila ang kakulangan ng PPEs pati ang dagdag na testing kits sa Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.