8-buwang sanggol kabilang sa 19 na bagong COVID-19 cases sa W. Visayas

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 09:32 PM

Kabilang ang isang 8 buwang sanggol sa 19 na bagong COVID-19 cases na naitala ngayong Martes sa Western Visayas region.

Ayon kay Dr. Marie Jocelyn Te ng Department of Health Region 6, ang sanggol ang pangalawa sa pinakabatang nagpositibo sa sakit sa rehiyon.

Ang bata ay anak ng isang babaeng COVID-19 patient.

Magkasama ang mag-ina sa isang quarantine facility sa kasalukuyan.

Bukod sa sanggol, kabilang rin ang 13 dating stranded individuals sa bagong mga kasong naitala. May isa ring repatriated OFW, habang ang iba ay mga local cases na.

Sa 19, isa alng ang nasa ospital, habang ang 18 ay nasa quarantine facility.

Umakyat na sa 611 ang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa buong rehiyon, bagama't 224 na mga pasyente na ang gumaling sa sakit. Ang bilang ng namatay ay 11.

Sa buong bansa, may 57,545 COVID-19 cases nang naitatala, base sa ulat ng DOH ngayong Martes. Ang bilang ng aktibong kaso ay 35,483.