2 sakong marijuana, nasabat sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 01:08 AM

CORDON, Isabela - Naharang sa COVID-19 border checkpoint sa bayan ng Cordon, Isabela ang isang kotse pasado alas-7 ng umaga nitong Lunes.

Ayon kay Police Colonel James Cipriano, Director ng Isabela Police Provincial Office, nakatanggap sila ng impormasyon na may kargang kontrabando ang sasakyan.

Sa isinagawang inspeksyon, tumambad ang dalawang sakong marijuana na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P2 milyon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2. 

Napag-alaman na galing ng Tabuk, Kalinga ang marijuana na dadalhin sana sa Maynila.

Arestado ang driver ng kotse na isang 26 anyos na suspek mula Munoz, Nueva Ecija.

Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sasampahan din siya ng reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Disobedience to Person in Authority matapos siyang tumanggi umanong bumaba sa kotse.

Dahil naman sa kawalan niya ng health certificate at travel documents ay nilabag din umano ng suspek ang Republic Act 11332 o Law on Reporting Communicable Disease na batayan sa mga protocols na may kaugnay sa COVID-19.

Wala rin plaka ang kaniyang sasakyan at paso o expired na ang kaniyang lisensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.