Mag-asawang magsisimba tinambangan; mister patay

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 05:59 PM | Updated as of Jul 14 2019 06:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patay ang isang 63 anyos na lalaki matapos silang tambangan ng kaniyang misis sa loob ng kotse papunta sana sa simbahan sa Makati City nitong Linggo.

Nakasakay sa gray na SUV ang mag-asawang sina Jesus at Ramona Dimayuga patungong misa pero pagdating sa Cailles Street sa kanto ng Osmeña Highway ay sumulpot ang isang lalaking na naka-helmet at jacket.

Nagpaputok ang salarin ng baril na tumama sa windshield bago deretso sa katawan ni Jesus na dahilan ng pagkamatay nito.

Nakaligtas ang asawa ni Jesus, na agad humingi ng tulong sa barangay.

Ayon sa pulis, namataan pa ang salarin bago ito nakatakas.
    
"Ayon doon sa ating saksi na isang security guard, nakita pa niya na nagkasa ito ng baril, naghubad ng kanyang helmet, at saka 'yung kaniyang sunglasses, then naglakad palayo, papunta sa Pasay area," sabi ni Police Maj. Gideon Ines, chief investigator ng Makati police.
    
Tinitingnan na ng pulis ang lahat ng posibleng motibo sa krimen, mula sa dating trabaho ng biktima bilang empleyado ng isang taxi company sa airport, pati na ang posibilidad na mistaken identity ito.

"It could be mistaken identity or what kasi napag-alaman natin... siya ay wala namang threat, walang kaaway kundi simbahan lamang ang pinupuntahan kasama ang asawa," ani Ines.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Makati police.

—Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.