Trabahador patay sa aksidente sa construction site sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 12:43 PM | Updated as of Jul 14 2019 04:34 PM

Napatay nitong umaga ng Linggo ang isang construction worker matapos mabagsakan ng "crane pulley" sa ginagawang gusali sa Maynila.

Nangyari ang insidente sa may kanto ng Castillas at Piy Margal Street sa Sampaloc district.

Sa inisyal na imbestigasyon, nasa ground floor ang biktima na kinilalang si John Eric Lador nang maputol ang kable ng crane at mahulog ang pulley sa biktima, na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Pinaiimbestigahan ng Department of Labor and Employment ang dahilan ng aksidente para malaman kung may pagkukulang sa kaligtasan ng mga manggagawa ang kontaktor.

Nangako rin ng ayuda si Labor Secretary Silvestre Bello sa nasawing construction worker, ayon kay Labor Assistant Secretary Joji Aragon.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.