MRT-3 balik-operasyon na; ilang pasahero may pangamba

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 12:18 PM | Updated as of Jul 13 2020 12:19 PM

MAYNILA — Nangangamba umano ang ilang pasahero sa pagsakay sa MRT-3 kasunod ng pag-positibo ng ilang empleyado ng railway sa coronavirus disease (COVID-19).

Ngayong Lunes, muling nagpatuloy ang operasyon ng MRT-3 matapos matigil ng halos isang linggo dahil sa dami ng mga depot at station personnel na nahawahan ng COVID-19.

Aminado ang ilang commuter na kinakabahan sila sa pagsakay pero mas madali raw sumakay sa MRT-3 kumpara sa augmentation buses, na may mahaba umanong pila at kakaunting drop-off points.

"Medyo natatakot pero mas convenient kasi sa Magallanes bababa," anang pasaherong si Marilyn Bautista.

"Medyo may kaba pa rin pero mabilis ito. 'Yong bus kasi mahaba ang pila," sabi naman ni Leonardo Logos.

Kampante naman ang ibang pasahero sa health and safety protocol na inilatag sa MRT-3.

"Hindi naman natatakot kasi may social distancing naman," sabi ni Ireneo Tabunda.

"'Yong bus kasi point-to-point. Mahaba ang lalakarin kaya nag-MRT ako," dagdag niya.

Nananatili namang limitado ang operasyon ng tren dahil mas kakaunti rin ang bilang ng mga tauhan na pumapasok.

Nasa 14 na tren muna ang tatakbo kumpara sa dating 16 hanggang 19.

Lahat ng mga tauhan ay nakasuot ng personal protective equipment gaya ng suits, face shield, mask at gloves.

Kailangan munang mag-fill up ng mga pasahero ng health declaration form sakaling kailanganin para sa contact tracing.

Bago papasukin sa platform, may temperature check at foot bath din para sa mga pasahero.

Isasailalim din sa disinfection ang mga tren kada dating sa North Avenue Station at Taft Avenue Station.

Sa ngayon, nasa 1,010 station personnel habang 1,093 depot personnel ang papasok sa trabaho matapos mag-negatibo sa COVID-19 swab test.

Higit 200 personnel ng MRT-3 naman ang nag-positibo sa sakit.

Ang MRT-3 ang isa sa pangunahing rail transit system sa Metro Manila, na may biyahe mula Quezon City hanggang Pasay City.

-- Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.