Hepe ng PNP-Maritime sa Masbate, arestado sa pangingikil

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 10:08 AM | Updated as of Jul 13 2020 10:12 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang maritime police chief at kaniyang tauhan sa pangingikil sa Masbate City nitong Linggo ng umaga.

Nasakote sina Police Major John Murray Cutaran, hepe ng 502nd Maritime Police Station at Police Staff Sgt. Rommel Naval sa entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group, ayon sa tagapagsalita ng grupo.

Ayon sa isang biktima, kinumpiska umano ng grupo ni Cutaran ang fishing boat niya at inaresto ang 28 empleyadong sakay nito dahil umano sa kasong illegal fishing, ayon kay Captain Mae Ann Cunanan ng PNP-IMEG.

Papalayain lang aniya ang mga empleyado kung babayaran ng biktima ang 2 pulis ng P400,000.

Nakipagkita ang undercover personnel sa istasyon ng mga suspek para bayaran ang downpayment na P200,000. Nang magpositibo ang transaksyon ay dun na inaresto si Cutaran at Naval. 

Tinutugis pa ang 2 pang kasabwat ng mga suspek na sina Police Lt. Melencio Huela at Police Staff Sgt. Ronaldo Puerto.

Ikinulong na sa sa Masbate Provincial Police office ang mga suspek na mahaharap sa kasong robbery-extortion.

Nanawagan ang PNP-IMEG sa iba pang biktima ng pangingikil na lumapit sa kanilang opisina para makapaghain ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.