Gobyerno walang magagawa kundi tustusan ang people's initiative: abogado

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinuna ng Malacañang at ni Senate President Tito Sotto ang balak na pagsasagawa ng people's initiative para isulong ang prangkisa ng ABS-CBN, na pinalutang noong weekend matapos patayin sa Kamara ang aplikasyon ng network para sa bagong lisensiyang makapag-broadcast.

Sa ilalim ng 1987 Constitution at sa Republic Act 6735 o ang The Initiative and Referendum Act, posibleng maghain ng panukalang batas sa Commission on Elections (Comelec) basta't nakalikom ng lagda ng 10 porsyento ng registered voters sa buong bansa, kung saan ang bawat distrito ay dapat kinakatawan ng 3 porsiyento ng registered voters.

Isang referendum ang gagawin kung saan lahat ng mga rehistradong botante ay boboto kung sang-ayon sa panukala.

Isang law professor mula sa University of Sto. Tomas ang unang nagmungkahi nito at kaagad namang naghanda ng proposed initiative ang isang grupo ng mga abogado sa pangunguna ni Dino de Leon.

Duda naman sina Presidential Spokesperson Harry Roque at Sotto kung uwede itong gawin.

"As provided in Republic Act no. 7925, or the Public Telecommunications Policy Act, a franchise is a privilege conferred upon a telecommunications entity by Congress," ani Roque.

"I doubt if it's possible. A private bill is mandated by the Constitution to be exclusively under the House of Representatives," ani Sotto.

Pero dagdag ni Sotto, kung posible ang people's initiative ay pipirma siya rito.

Pero ayon sa abogadong si Christian Monsod, isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, puwede pa rin na taumbayan ang magbigay ng prangkisa kahit pa ibinigay ito ng Konstitusyon sa Kongreso.

"When you talk about a natural resource like frequencies, that's a public bill. Because it affects everybody," ani Monsod.

Gayunman, aminado si Monsod at ilang election experts na mahirap ang daang tatahakin ng isang people's initiative.

"At the very least, 60 million registered voters. It will require at least 6 million signatures and each of these signatures has to be verified... Imagine mo 6 million signatures, gaano katagal mo yan mave-verify?" ani Emil Marañon, election lawyer.

Pero para sa mga sumusuporta sa pagsusulong ng people's initiative, kakayanin ang mga balakid.

"I think these are obstacles that can be overcome and the beauty of it, it's the people themselves who are passing a law. It's perhaps time to make history," ani Chel Diokno.

"The Supreme Court said that the Comelec cannot refuse an invocation of people's initiative on the ground of lack of budget. They have to use whatever budget they have for purposes of implementing the law on people's initiative," ani Enrique dela Cruz, propesor sa UST.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pabor din si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa people's initiative, lalo pa't lumabas sa survey na 3 sa 4 na Pinoy ang pabor sa pagbibigay ng prangkisa sa Kapamilya network.

"Its high time for the people to do it," ayon kay Rodriguez.

Ayaw naman munang magkomento ng Comelec, pero maliwanag daw na trabaho nilang iberepika ang mga pirma at tiyaking sapat ang pirma at magtakda ng plebesito.

"[I]n response to requests for clarification, the Comelec's main tasks in any people's initiative petition are: 1) to verify the gathered signatures; 2) to determine the sufficiency of the number of signatures gathered; 3) if the number of signatures is sufficient, to schedule and conduct a plebiscite," ani Comelec spokesman James Jimenez.

—May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.