Davao City posibleng ibalik sa GCQ, ayon kay Mayor Sara Duterte

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 10:55 PM

Posibleng ibabalik sa general community quarantine ang Davao City, ayon kay Davao Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes matapos siyang makatanggap ng impormasyon mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.

Saad ng alkalde sa isang interview sa Davao City Disaster Radio, susubukan niyang umapela sa IATF na baka pwedeng manatili sa modified general community quarantine ang lungsod, pero kung hindi papayag ang IATF ay mabuting maghanda na ang mga Dabawenyo para sa GCQ.

"Kung ma deny gihapon ang appeal nga magpabilin ta og MGCQ, may I request everyone nga duna tay July 2 nga version sa Omnibus Guidelines nga atoa lang i-review, pasadahan nato kung unsa tong GCQ para mahinumdom ta kung unsa atoang kinahanglan buhaton during a GCQ. So maayo nang mangandam ta daan for a status nga GCQ," ani Duterte-Carpio.

[Kung madeny pa rin ang appeal na manatili tayo sa MGCQ , may I request everyone na may July 2 na version sa omnibus guidelines na atin lang i-review, tingnan natin kung ano yong GCQ, so mabuti na maghanda na tayo for status of GCQ.]

Ayon sa alkalde, iyan ang mangyayari kapag matigas at di sumusunod ang mga tao sa mga health protocol.

Nalungkot ngunit walang magawa ang ilang mga may-ari ng mga negosyo na posibleng maapektuhan kung sakaling babalik sa general community quarantine ang Davao City.

Handa na sana ang Panorama Summit Hotel sa kanilang mga ipapatupad na health protocol sa mga tatanggapin na guest sa ilalim ng MGCQ, pero kapag nasa GCQ na ulit ang lungsod, ay bawal ng tumanggap ng accomodation ang hotel.

"The moment that Davao will go back to GCQ, we have no other choice but to follow what is mandated by the law of our LGU. We have to respect that," ani May Aranda, general manager ng Panorama Summit Hotel.

Kung sakaling babalik sa GCQ ang Davao City, kabilang din sa maapektuhan ang mga fitness gym, mga salon at barbershop, mga karaoke bars at comedy bars na bawal mag-operate sa ilalim ng GCQ.

Bawal na rin ang mga mass gathering at religious gathering kaya balik online na ang pagsisimba kung sakali man.

Mula 50 percent na capacity sa mga dine in restaurants bababa sa 30 percent ang pahihintulutan na mag-dine in.

Samantala, patuloy na tumatanggap ang LGU ng mga stranded at OFW na residente ng Davao.

Ayon kay Duterte-Carpio, ang lahat ay idadaan sa COVID-19 tests at ang mga magpo-positibo ay diretso sa quarantine facility dahil bawal ang home quarantine.

Nasa 162 na ang total active cases ng COVID-19 sa Davao, ayon sa pinakahuling ulat mula sa lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.