Batangas City naghigpit sa pagpapatupad ng health protocols

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 05:25 PM | Updated as of Jul 13 2020 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling naghigpit ngayong Lunes ang lokal na pamahalaan ng Batangas City sa pagpapatupad ng health protocols sa lungsod para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Simula ngayong Lunes, muling nag-ikot ang puting bus ng Batangas City monitoring team kasama ang mga pulis para damputin ang mga hindi nagsusuot ng face mask.

Batay sa ordinansa ng lungsod, nahaharap sa 6 na buwang pagkakakulong at multang aabot sa P5,000 ang mahuhuling hindi nagsusuot ng face mask.

Huhulihin na rin ng mga awtoridad ang mga walang quarantine pass, na muling ipinatupad sa lungsod kahit nasa ilalim na ito ng modified general community quarantine.

Limang araw nang magagamit ang quarantine pass. Nasa 5 miyembro ng pamilya ang maaaring gumamit pero isa lamang sa bawat miyembro kada araw ang papayagan.

Ang mga senior citizen na kailangang lumabas ng bahay ay kailangang kumuha ng barangay certificate na puwedeng gamitin lamang sa isang araw.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ibinalik ang paggamit ng quarantine pass dahil sa tumaas na bilang ng may COVID-19 kasunod ng malawakang testing na ginawa sa mga residente.

Sa huling tala, umabot na sa 105 ang kabuuang bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19 sa Batangas City.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.