ALAMIN: Nilalaman ng TWG report na sumelyo sa kapalaran ng ABS-CBN

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 08:53 PM | Updated as of Jul 13 2020 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bago sinintensyahan ang prangkisa ng ABS-CBN, bumuo muna ang House committee on legislative franchises ng isang technical working group (TWG) na sumuri sa mga paratang laban sa network.

Lutang na lutang sa report ng TWG ang paliwanag na walang kinalaman sa press freedom ang rekomendasyon nitong ibasura ang hiling na prangkisa ng ABS-CBN.

"In resolving the franchise application of ABS-CBN, this committee assures the House of Representatives that this matter is in no way related to freedom of the press," anang komite na may 3 miyembro, kung saan si Marikina Rep. Stella Quimbo lamang ang tumutol.

Nasa 40 pahina ang report kung saan kinatigan ng TWG ang halos lahat sa mga bintang laban sa network.

Inisa-isa rin nito ang paratang na naging “biased” ang ABS-CBN sa pagbabalita base sa reklamo ng 5 kongresista.

Pati ang vice presidential debate noong 2016, nahalukay.

Naging basehan din ng pagbasura ang umano’y paglabag ng network sa 100 percent ownership sa mass media dahil dual citizen ng Pilipinas at Amerika si dating ABS-CBN chairman Gabby Lopez.

Ayon sa TWG, di pa malinaw kung bawal nga ito pero dahil Kongreso ang may kapangyarihan na magkaloob ng prangkisa, sila na ang bahalang tumukoy kung mali nga ito.

Base sa findings ng TWG, lumalabas daw na ginamit ng ABS-CBN ang pag-issue ng ABS-CBN Holdings Corp ng Philippine deposit receipts para bigyan ng umano'y kontrol ang mga banyaga sa broadcast company.

Ito’y kahit dati nang nilinaw ng kompanya na walang pakialam ang banyagang PDR holder sa network dahil di sila maituturing na shareholder.

Napag-usapan din noon sa hearing na kung labag ang PDRs ng ABS-CBN, paano ang kaparehang PDRs na ini-issue ng GMA-7, na hindi naman binusisi ng Kamara noong humirit ito ng bagong prangkisa noong 2017.

Aminado rin ang TWG na legal ang tax avoidance, kung saan napapababa ang babayarang buwis sa pamamagitan ng incentives na nakalagay sa batas. Di ito tulad ng tax evasion na ilegal.

Pero kahit pa walang nilabag ang ABS-CBN, sinermunan ito sa TWG report sa pagkakaiba ng usaping legal at moral.

Lumabas din sa finding na "less than exemplary" ang pagtrato ng kompanya sa mga empleyado dahil meron sa kanilang di pa rin regular.

Aminado ang network na kasalukuyan nang inaayos ang regularization ng mas maraming empleyado. Dinadamihan din daw ang mga benepisyo para di naman ito malayo sa tinatanggap ng mga regular.

Malawak na isyu ang regularization sa kabuuan ng broadcast industry. Pero tanging sa aplikasyon lang ng ABS-CBN ito binusisi.

Ngayong ibinasura na ang prangkisa ng network, nanganganib na di lang regularisasyon ang maging problem kundi ang kawalan ng trabaho ng libo-libong empleyado sa gitna ng pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.