Sekyu patay sa aksidente sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 05:02 PM | Updated as of Jul 13 2019 05:28 PM

Nagtangkang mag-overtake umano ang motorsiklo nang mabangga nito ang sinusundang jeep. Larawan mula sa Police Station 4

BACOLOD CITY – Patay ang isang 27 anyos na security guard matapos na tumilapon nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa sinusundang jeep sa Burgos Extension dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, walang suot na helmet si John Romulo Agustin kaya tumama ang kaniyang ulo sa sementadong kalsada na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mag-o-overtake sana ang motorsiklo nang bumagal ang takbo ng sinusundang jeep.

Nang makita ng rider na may kasalubong na siyang sasakyan ay bumalik ito sa lane pero bumangga na sa likod ng jeep.

Ayon naman sa driver ng jeep, bumagal ang kaniyang takbo dahil dadaan siya sa pedestrian lane. Nagulat na lang umano siya nang mabangga ang motorsiklo sa kaniyang jeep.

May initial settlement na din sa pagitan ng driver ng jeep at pamilya ng namatay, na hiling lang ang tulong sa pagpapalibing kay Agustin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.