Mga 'abusadong' minero, binalaan ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 11:52 PM

Muling nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga abusadong minero na pagbabayarin sila ng kompensasyon sa mga magbubukid at mangingisdang nasalanta ang kabuhayan dahil sa epekto ng iresponsableng pagmimina sa kalikasan.

Sinabi ng Pangulo na nakita sa "Pamana ng Mina" documentary ng "Failon Ngayon" sa ABS-CBN noong Hulyo 9 ang trahedyang dulot ng iresponsableng pagmimina, hindi lang sa kalikasan, kundi maging sa kabuhayan ng buong komunidad.

Ayon sa Pangulo, dapat bayaran ng mining companies ang mga apektadong magbubukid at mangingisda dahil sa iniiwang nakatiwangwang ang lupang pinagminahan na sumisira sa kalikasan.

"The devastation doon sa mga palayan, wala na. Di na sila makapagtanim. Mga fish pond nila. It's all poisoned! If he [magbubukid] has lost 100,000 hectares, tutal mayaman naman 'yang mining. Bayaran mo [minero]," ani Pangulong Duterte.

Nagpahiwatig si Duterte na tuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad nila ng batas laban sa iresponsableng pagmimina.

Sang-ayon din ang Chamber of Mines of the Philippines na panagutin ang mga minerong lumalabag sa batas.

Tiniyak nitong nagpapatupad ang kanilang mga miyembro ng environmental protection at enhancement measures, kasama na ang tree planting.

Mahalagang tutukan ng gobyerno ang pagmo-monitor, lalo na sa small scale miners para masigurong walang pag-abuso sa kalikasan.

Tiniyak din ni Environment Secretary Roy Cimatu na tuloy din ang mga repormang sinimulan ni dating Secretary Gina Lopez sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pero kamakailan lang, naglabas si Cimatu ng administrative order na nagbabalik ng kapangyarihan sa regional directors ng Environmental Management Bureau (EMB) para mag-issue ng environmental compliance certificate (ECC).

Taliwas ito sa dating utos ni Lopez na tanging DENR Secretary lang ang maaaring mag-apruba ng ECC sa rekomendasyon ng EMB director. 

Layon ng bagong administrative order na mapabilis ang proseso ng pagkuha ng ECC.

Lumabag umano sa mga kondisiyon ng ECC ang ilan sa 23 mining companies na ipinasara ni Lopez.

Nirerepaso pa ng DENR ang apela ng mga kompanyang ito sa DENR.

Pangako ni Pangulong Duterte, susunod niyang haharapin ang mga issue sa pagmimina pagkatapos ng krisis sa Marawi. -- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.