People's initiative para sa ABS-CBN franchise iminungkahi

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 07:48 PM | Updated as of Jul 13 2020 05:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung ayaw ng mga kongresista, bakit hindi taumbayan na mismo ang magbigay ng prangkisa sa ABS-CBN?

Ito ang umugong matapos tanggihan ng 70 kongresista ang franchise renewal ng ABS-CBN noong Biyernes.

Isang law professor mula sa University of Santo Tomas ang nagmungkahi na idaan sa people's initiative ang pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

Nakasaad ito sa 1987 Constitution at sa Republic Act 6735 o The Initiative and Referendum Act na isinabatas noong 1989.

"Under this law, all we need is a proposition, a proposal from any citizen or any group. It could be submitted to Comelec (Commission on Elections) provided it has the required number of signatures," anang propesor na si Enrique dela Cruz.

Sa ilalim ng batas, maaaring mangalap ng lagda ng 10 porsiyento ng registered voters sa buong bansa, kung saan ang bawat distrito ay dapat kinakatawan ng 3 porsiyento ng registered voters nito, bago isumite ang petisyon sa Comelec.

Sa loob ng 30 araw, ilalathala ang petisyon sa dyaryo nang 2 beses at magkakaroon ng referendum sa buong bansa para malaman kung sang-ayon ang taumbayan dito.

Suportado ng ilang mambabatas ang hakbang bagaman mahirap umanong gawin.

Pero tingin ni De La Salle College of Law founding dean Chel Diokno, kakayanin ito dahil sa lawak ng naaabot ng ABS-CBN.

"Usually mahirap talaga makuha ang people's initiative, pero ABS-CBN is in a very unique position na kaya niyang isulong itong people's initiative and referendum," ani Diokno.

"Tingin ko kaya 'yon given reach ng ABS-CBN, nandyan ang celebrities at iba't ibang istasyon sa buong Pilipinas," dagdag ni Diokno.

Nasa 61.8 milyon ang rehistradong botante noong 2019 elections at may 243 na distrito.

Ibig sabihin, kailangan ng 6.18 milyon na lagda para sa petisyon.

Pero maraming haharaping balakid ang people's initiative, ayon kay dating Comelec commissioner Gregorio Larrazabal.

Unang-una kasing gagawin ng Comelec ay kukumpirmahin muna ang lagda bago magsagawa ng national referendum.

"How do you verify the signatures of so many millions of voters at this time?" ani Larrazabal.

Sa tantiya ni Larrazabal, aabot sa P6 bilyon ang kakailanganin para sa referendum.

Pero ayon sa nagsusulong sa people's initaitive, minsan nang nagdesisyon ang Korte Suprema tungkol dito.

"The Supreme Court said that the Comelec cannot refuse an invocation of people's initiative on the ground of lack of budget. They have to use whatever budget they have for purposes of implementing the law on people's initiative," ani Dela Cruz.

Para naman kay Larrazabal, baka mas mainam na ituon ang pansin sa voters' education para masigurong ipaglalaban ng mga ihahalal na opisyal ang adbokasiya ng mga tao.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.