Mga deboto dagsa sa Quiapo Church

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 11:44 AM | Updated as of Jul 12 2020 07:54 PM

MAYNILA (UPDATE) — Dinagsa ng mga deboto ang Quiapo Church ngayong unang Linggo na pinapayagan ang 10-percent seating capacity sa mga simbahan sa ilalim ng general community quarantine.

Hulyo 10 nang payagan ang bagong seating capacity. Bago nito, hanggang 10 lang ang maaaring dumalo sa mga misa sa simbahan.

Nasa 100 tao lang ang maaaring pumasok sa loob ng Quiapo Church sa Maynila, pero maraming tao ang nakiisa sa misa mula sa Plaza Miranda at gilid ng simbahan sa Quezon Boulevard.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit maraming nagsisimba, nasunod naman ang physical distancing dahil maraming church volunteers ang nagpaalala sa mga deboto.

Sa San Vicente de Paul Parish sa San Marcelino, Maynila, dumaan sa thermal scanning at pag-fill out ng mga form pang-contact tracing ang mga nagsimba.

Ikinatuwa ng mga mananampalataya na mas marami na sa 10 tao ang maaaring makapagsimba, lalo at marami sa kanila ang hindi makapagsimba noong panahon kung kailan mahigpit pa ang community quarantine.

"Salamat po sa Diyos at ngayon ay [nakakapagsimba] na kami," ani Elenita Arce.

"Iba pa din talaga 'yong nakakapagsimba ka sa loob ng simbahan," ani Weng Alvarez, layko ng San Vicente de Paul Parish.

Ipinagbawal simula noong Marso ang personal na pagdalo sa mga misa at iba pang religious event, na itinuturing bilang mass gathering na posibleng magdulot ng pagkalat ng coronavirus disease. -- Ulat nina Jekki Pascual at Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.