ABS-CBN supporters muling nag-noise barrage

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 11:46 PM

Kapamilya actresses Angel Locsin and Liza Soberano join other ABS-CBN workers as they conduct a noise barrage outside the network's headquarters along Sgt. Esguerra Avenue in Quezon City on July 12, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MANILA - Muling nagsagawa ng noise barrage ang mga supporters ng ABS-CBN sa harap ng gusali nito nitong Linggo ng gabi.

Bilang protesta pa rin ito sa pagbasura ng kamara sa aplikasyon sa prangkisa ng Kapamilya network, at pagsuporta sa mahigit labing isang libong empleyado na nanganganib ang mga kabuhayan dahil sa naging desisyon ng 70 kongresista.

Lumahok din dito sa noise barrage at nagpakita ng suporta sina Angel Locsin, Enchong Dee, Bianca Gonzales, Liza Soberano, Enrique Gil, Melai Cantiveros, Pooh, at iba pang Kapamilya celebrities at news personalities.

Bandang alas sais pa lamang, nagsimula nang dumami ang mga taga suporta ng network.

Marami ang nag-selfie sa ABS-CBN logo sa harap ng building. Ang ilan din sa kanila, inisa-isa ang mga nami-miss na programa sa ABS-CBN.

Ngunit pagsapit ng alas-6:30 ng hapon, kaniya-kaniya nang pag-iingay ang mga solid Kapamilya gamit ang mga torotot, gong, bote, at iba pa. Ang mga dumadaang motorista, walang tigil din sa pagbusina.

Pansamantala ring lumabas ng opisina ang mga empleyado ng network at ipinakita ang pagkadismaya sa naging desisyon ng kamara. Ilan sa kanila ang naging emosyonal at nagsabing sana ay makarating ang pinagsama-samang ingay ng mga Kapamilya sa mga kongresista.

Ayon sa ilang lumahok, patuloy silang magtutungo at mag-iingay sa labas ng gusali ng ABS-CBN bilang suporta sa mahigit 11,000 empleyado at sa pagbabalik sa himpapawid ng Kapamilya network.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.