ABS-CBN makatutulong sana sa planong distance learning: kongresista

Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 03:21 PM

MAYNILA — Makatutulong sana sa paghahatid ng edukasyon sa pamamagitan ng telebisyon ang ABS-CBN, na hindi nabigyan ng bagong prangkisa ng Kamara, ayon sa isang kongresista ngayong Linggo.

Ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro, posible sanang magamit ang malawak na abot ng signal ng ABS-CBN para makapaghatid ng mga lesson sa mga estudyanteng mag-aaral sa kanilang mga tahanan sa darating na pasukan.

"Malaki 'yong implication niyan, 'yong pagkawala ng ABS-CBN, sa education natin dahil mahaba ang reach niyan. Alam naman natin yung reach ng ABS-CBN," sabi ni Castro sa isang online forum.

Balak ng Department of Education na gumamit ng telebisyon at radyo para makapaghatid ng lesson sa mga estudyante sa darating ng pasukan.

Ipinagbabawal ang mga klase sa mismong mga paaralan para maiwasang malantad ang mga mag-aaral at guro sa banta ng COVID-19.

Pero ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, wala pang naging kongkretong kasunduan ang kagawaran sa ABS-CBN at iba pang pribadong TV station para sa kanilang mga plano sa distance learning.

Una munang nilapitan ng DepEd ang mga government-owned station para sa distance learning, sabi ni Umali sa parehong forum.

Noong Biyernes, ibinasura ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa. Ang dating prangkisa ng kumpanya ay napaso na noong May 4.

Dismayado si Castro sa kinalabasan ng botohan sa komite ng Kamara tungkol sa pagbibigay ng prangkisa sa Kapamilya network.

"Ako, sa tingin ko, ready-made na itong mga recommendations na ito. Then upon seeing it, nakita ko rin na 'yong argumento na nandoon ay yung argumento ng opositors. Hindi man lang kinonsider yung mga sagot nung mga inimbita na resource persons," ani Castro.

"Hindi nakalagay doon 'yong mga sinagot ng mga agencies natin, 'yong mga concerned agencies."

Tinigil ng ABS-CBN ang operasyon ng free TV at radio channels nito noong Mayo 5, isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito. Bago nito, ilang taong inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

Nauna nang sinabi ng Knowledge Channel na handa itong makipagtulungan sa gobyerno para maghatid ng educational programming ngayong may pandemya.

Subalit limitado na lamang ang maaabot ng Knowledge Channel dahil sa kawalan ng prangkisa ng network.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.