2 pulis tinambangan sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2020 12:39 PM

Tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang sasakyang lulan ang 2 pulis sa bayan ng Taytay, Palawan umaga ngayong Linggo.

Ayon sa ulat ng pulisya, patungo sana sa bayan ng Roxas ang police mobile na sinasakyan nina Captain Erwin Carandang, hepe ng pulisya sa bayan ng Dumaran, at Corporal Mark Russel Evangelista.

Nang makarating sa national highway sa may Barangay Abongan, Taytay pasado alas-6 ng umaga, pinagbabaril umano ng mga armadong indibiduwal ang sasakyan.

Pinatakbo umano nang mabilis ng mga pulis ang sasakyan para matakasan ang mga gunman.

Wala namang nasugatan sa 2 pulis.

Magsasagawa sana ng follow-up sa Roxas ang 2 pulis kaugnay sa itinuturing na "most wanted person" ng Dumaran.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng gunmen at motibo sa pamamaril.

-- Ulat ni Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.