Nanakit na Chinese national, nais patawan ng deportation case

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 05:01 PM

MAYNILA - Inirekomenda ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration na patawan ng deportation case ang babaeng Chinese national na nag-viral matapos umanong magwala at manakit ng siklista at traffic enforcer sa Makati City.

Sa Laging Handa public briefing Sabado, sinabi ni Melvin Mabulac, tagapagsalita ng BI at hepe ng National Operations Center ng ahensiya, na ang dayuhan ay isang turista lamang at hindi pa nakapag-comply ng requirements para i-update ang kaniyang status. 

Overstaying na raw ang naturang Chinese at lumalabas pa na isa siyang undesirable alien.

Iginiit ni Mabulac na hindi nirespeto ng dayuhan ang awtoridad ng Pilipinas at hindi dahil bisita siya ay hindi na siya susunod sa batas ng bansa.

Sinabi ni Mabulac na kailangan mapanagot din ang sinumang nagkasalang dayuhan sa iba pang kaso na isinampa sa kanila bago pa tuluyang palayasin ng bansa.