Mga lalabag sa bagong motorcycle riding guidelines, paano mananagot?

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 02:49 PM

MAYNILA - Nagbabala ang Joint Task Force COVID Shield ng Philippine National Police nitong Sabado na may karampatang parusa para sa mga motoristang lalabag sa back-riding policy ng gobyerno. 

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, maaaring parusa ang naayon sa Section 9E ng Republic Act 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act." 

Narito ang nakasaad sa batas: 

"The following shall be prohibited under this Act, [including] non-cooperation of the person or entities identified as having the notifiable disease, or affected by the health event of public concern." 

Ayon kay Eleazar, saklaw dito ang mga walang gamit na plastic barrier o kaya ang mga magba-back ride na mapatutunayang hindi naman mag-asawa o mag-live in. 

Sa guidelines na inilabas Biyernes, pinayagan ng gobyerno ang mga mag-asawa at mag-live in partner na magka-angkas sa mga motorsiklo, basta't may gamit silang plastic barrier at may mga dalang dokumento na magpapatunay na nakatira sila sa iisang bubong. 

Ang pagsakay ng 2 tao sa mga motorsiklo ay naunang ipinagbawal bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID-19. 

Sa ngayon, ayon kay Eleazar, "maluwag" pa ang pagpapatupad nila sa batas dahil kinilala ng kaniyang tanggapan na kailangan pa ng ibayong oras ng mga mananakay na bumili o gumawa ng barrier. 

Kung mahuhuli namang walang helmet ang rider, ayon kay Eleazar, mapaparusahan nang naaayon sa Republic Act 10054 o ang batas kung saan inoobliga ang mga rider na magsuot ng helmet habang nagmomotorsiklo. 

May P1,500 multa sa unang paglabag, P3,000 multa sa ikalawang paglabag, at P5,000 multa sa ikatlong paglabag. 

Kung mahuhulihan namang walang face mask ang nakasakay sa motorsiklo, nakadepende ang kaniyang parusa sa ordinansa ng siyudad kung saan ito nahuli. 

"Humihingi [kami] ng tulong sa force multipliers [gaya ng] LGUs at mga barangay tanod na nagsusulong na maipatupad ang tungkulin na ito na puwedeng makatulong sa amin [na maiwasan] ang unnecessary movement," ani Eleazar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.