Kongresista nagtangkang manapak, nag-sorry sa waiter sa Legazpi

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo sa pulisya ng waiter na si Christian Kent Alejo si Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos matapos umano siya nitong tangkaing sapakin sa restoran sa Legazpi City, Albay.

Kumalat ang video ng astang pananakit ni Delos Santos.

Nitong Huwebes ng hapon ay nagpaumanhin kay Alejo nang personal at sa pamamagitan ng panayam sa DZMM TeleRadyo si Delos Santos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kuha ng CCTV noong Hulyo 7, makikitang nagbibiruan ang apat na lalaki, kabilang umano si Delos Santos, sa kainan sa Legazpi City Linggo ng madaling araw.

Makalipas ng ilang segundo ay nilapitan ng waiter ang mesa pero maya-maya, tila hinampas sa ulo ng isa sa mga lalaki ang biktima.
Nakailag si Alejo sa suntok ng lalaki.

Sa panayam sa DZMM, kinumpirma ni Delos Santos na siya ang nasa video at humingi ng paumanhin sa nangyari.

Aniya, hindi niya nakontrol ang sarili nang marinig niyang bumulong ang waiter nang sabihin niyang ayusin ang paglalagay ng placemat sa mesa nila.

Gayunman aniya, humingi siya ng paumanhin.

"Kahit ano pong nangyari alam ko pong mali ako and nawalan ako ng temper so inaamin ko na mali po ako at humihingi po ako ng paumanhin," ani Delos Santos.

"Gusto ko lang mag-apologize lalo na sa iyo at sa iyong pamilya sa ginawa ko, sa sambayanang Pilipino, pasensiya na po at na-fail ko po yung sarili ko bilang public servant. I have no excuse only regret," dagdag niya.

Naunang ikinuwento ni Alejo na pina-blotter na niya sa pulisya ang insidente.

Matapos ang insidente aniya, pinaiwas na lang siya ng manager ng restaurant sa lalaki dahil regular customer umano si Delos Santos.

Hindi pa noon tukoy ni Alejo ang pagkakakilanlan ng kostumer hanggang sa ibigay ng management ng kainan ang pangalan ng lalaki. Nakilala na lang niya si Delos Santos bilang kongresista nang hanapin ito sa social media.

Pinuntahan na umano ni Delos Santos si Alejo para humingi ng dispensa at tinanggap naman daw ito.

Ayon pa kay Delos Santos, handa siyang harapin ang magiging pasya ng kaniyang party-list. Pero nakiusap siya na mabigyan ng isa pang pagkakataon.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.