2 lalaki, timbog nang makuhanan ng ‘shabu’ sa checkpoint sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 11:20 PM | Updated as of Jul 11 2019 11:34 PM

BACOLOD CITY—Arestado ang 2 lalaki nang makuhanan ng ilang sachet ng hinihinalang shabu Huwebes ng hapon.

Bahagyang sumikip ang daloy ng trapiko nang magtayo ng checkpoint ang awtoridad laban sa mga colorum na tricycle sa Barangay Mansilingan.

Kasama sa nasita ng Bacolod City Traffic Authority Office ang drayber ng isang motorsiklo dahil hindi naka-helmet ang angkas nito.

Ngunit pumalag ang 2 at nagtangka pang tumakas nang habulin ng mga enforcer. Pero sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo nang bumangga sa isang poste sa gilid ng daan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Luisito Acebuche, nadiskubre nila na may dalang 14 na sachet ng hinihinalang shabu ang drayber ng motorsiklo.

Nakuha rin sa kanila ang isang weighing scale.

Base sa rekord ng pulisya, dati nang sumuko sa mga pulis ang drayber ng motorsiklo, na isa umanong high-value target sa ilegal na droga.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang 2 suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.