Mga senador, grupo nagulantang sa sinapit ng ABS-CBN franchise sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi makapaniwala ang mga senador at ilang organisasyon sa sinapit ng ABS-CBN franchise bills na pinatay sa Kamara ng ilang mambabatas.

Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, hudyat na ito ng kamatayan ng press freedom sa bansa.

"Tow the line or get shut down. May takot at pagbabanta ang mensaheng inihahatid ng gobyerno: kapag kaaway ka, puwede kang ipasara," sabi ni Hontiveros.

Tila nakita naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagbabalik ng kasaysayan noong martial law matapos ang desisyon ng Kamara sa ABS-CBN franchise.

"Democracy thrives when there is free press and when journalists can exercise complete freedom to do their mandate of reporting facts without fear. But with what happened to ABS-CBN, it has shown that the 'sword of Damocles' can be unleashed any time," ani Drilon.

Para kay Drilon, malampasan man ng ABS-CBN ang sinapit nito, mananatili ang problema ng bawat pamilya ng 11,000 empleyado nito.
 
Ikinalungkot din ni Sen. Sonny Angara ang nabasurang prangkisa ng network.

"Masama ang magiging epekto sa ekonomiya nito di lamang sa media o broadcasting industry kung saan isang industry leader ang ABS-CBN," ani Angara.

Sa nangyari, sinabi ni Sen. Grace Poe na nawala na rin ang entertainment na nagbibigay-aliw sa madla.

"It is not just news that is curtailed but entertainment shows which represent the finest in the craft, delight the public, and inspire our people to be the best," ani Poe.

Iginiit naman ni UP journalism professor Danilo Arao na ang pagbasura sa ABS-CBN franchise ay may masamang epekto rin sa kabuuang industriya ng media.

"Sometimes audience share and profit share would simply dwindle because viewers will be turned off and simply tune out media altogether... So the monopoly is much worse than the duopoly," ani Arao.

Naniniwala naman si Drilon na dapat hintayin muna ng himpilan ang bagong Kongreso sa 2022 para makapag-apply uli ng bagong prangkisa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.