Kamara ibinasura ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 03:24 PM | Updated as of Jul 10 2020 10:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ibinasura ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa nitong Biyernes.

Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito.

Samantala, dalawa ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.

Nagmula ang mga mambabatas sa House committee on legislative franchises at mga lider ng Kamara na ex-officio members.

Labing-dalawang beses humarap sa Kamara ang mga opisyal ng ABS-CBN para manawagan ng bagong prangkisa na makapag-operate alang-alang sa 11,000 manggagawang nakadepende sa network.

Mayo 5 nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.

Bago nito, ilang taong inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

Sa 12 franchise hearing ng Kamara, isa-isang sinagot ng ABS-CBN ang mga paratang na ipinupukol sa kompanya.

Ilang ahensiya na rin ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue at Department of Labor and Employment ang nagpatunay na walang nilabag na batas ang ABS-CBN.

'ERRONEOUS'

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinalungkot naman ng mga kongresistang nagsusulong na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN ang naging resulta ng botohan sa komite.

Hanggang sa huli, naniniwala si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na walang mabigat na rason upang hindi mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

"Dito sa 40-page technical working group report na ito ay talagang ibinasura nila yung testimonies at statements ng resource persons namin from the different agencies... Tingin ko nga pinili lang nila 'yung mga sagot or mga tanong na binitiwan ng mga oppsitors at doon nila jinustify ang rejection nung application for new franchise," sabi ni Zarate.

Dismayado rin si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sa itinakbo ng technical working group (TWG) dahil taliwas ang naging desisyon nito sa itinakbo ng nasa 12 pagdinig.

"I find the findings of the TWG and the voting, to be erroneous to be wrong appreciation of the law and the fact," ani Rodriguez.

Umaasa si Zarate na ilalabas ng Kamara ang opisyal na listahan ng mga kongresistang bumoto ng pabor at hindi pabor na mabigay ang prangkisa sa ABS-CBN.

Umaasa naman si House Speaker Alan Peter Cayetano na rerespetuhin ng lahat ang naging desisyon ng komite laban sa ABS-CBN.

—Ulat nina Zandro Ochona at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.