Jinggoy Estrada umapela sa mga kongresista na gamitin ang 'konsensiya' sa pagboto sa ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 03:29 AM

Umapela si dating Sen. Jinggoy Estrada sa mga kongresista na gamitin nila ang kanilang konsiyensya at nararamdaman sa pagboto sa prangkisa ng ABS-CBN.

Nitong Huwebes ay ginanap sa Kamara ang "summation" ng 12 pagdinig ukol sa ABS-CBN franchise bills. Wala pang petsa kung kailan pagbobotohan ang prangkisa ng ABS-CBN.

“Sana the congressman will vote boboto sila sa kanilang konsiyensya, sa kanilang nararamdaman ano," ani Estrada.

Ayon sa kaniya, dapat isantabi ng mga kongresista ang personal na sentimiyento sa ABS-CBN.

"Minsan nagiging biktima din kami ng bias reporting. Hindi ko na lang sasabihin anong media outfit, pero siyempre isantabi na lang natin. Intindihin natin yung general welfare ng public," ani Estrada.

Noong May 5, itinigil ng ABS-CBN ang broadcast nito sa telebisyon at radyo matapos silbihan ng cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission kasunod ng pag-expire ng 25-year franchise nito. Napaso ang prangkisa ng kumpanya noong Mayo 4.

Naglabas din ang NTC ng cease-and-desist order para ipatigil ang digital broadcast ng ABS-CBN sa TVplus boxes sa Metro Manila, at ang direct-to-home satellite broadcast ng Sky Cable.

Samantala, nagpamigay ng fresh bangus at mga grocery items ang dating senador sa aabot na 1,000 na residente ng Sto. Tomas, Pampanga nitong Huwebes din ng hapon.

Matatandaang hinuli si Estrada habang namimigay ng relief goods sa San Juan City dahil hindi siya umano sumunod sa mga patakaran laban sa COVID-19.

Aniya, tumutulong lang siya noon pero dahil pinakulong siya sa San Juan, gusto na lang niya mamigay sa ibang lugar dahil sa politika sa naturang lungsod.

Siniguro naman ng mga organizers na disiplinado, may physical distancing at naka face mask ang lahat ng dumating sa relief distribution.

“Talagang hinaharass lang ako," ani Estrada.--Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News