Ilang motorcycle riders hati sa panukalang barriers para sa magka-angkas

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 01:40 PM | Updated as of Jul 10 2020 09:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

 

MAYNILA - Hati ang ilang motorcycle riders sa iminumungkahing plastic barriers para sa mga pasahero nito ngayong niluwagan na ang mga patakaran sa pagsasakay o pag-angkas sa mga motorsiklo. 

Para sa rider na si Bernie Santos, magiging mahirap ang ipinapanukala ng gobyerno dahil kinakailangan ng ibayong pag-iingat sa pagmamaneho. 

“Medyo mahirap po sir kasi sa sitwasyon ng motorsiklo maliit lang space para lagyan ng divider sa pinakaangkas niya. Baka mahirapan po lalo na baka magkaaksidente,” ani Santos. 

Para naman kay Dexter Ramilla, hindi naman daw kinakailangan ang barrier lalo na’t magkakatabi namang natutulog ang mag-asawa sa isang bubong. 

“Bakit pa po maglalagay ng barrier sa pagitan ng mag-asawa eh magkatabi naman sila sa pagtulog sa gabi at araw araw magkasama sa bahay. Baka pwede wag na lagyan ng barrier at pakita nalang ID or marriage contract na katunayan na mag-asawa sila,” ani Ramilla. 

Maaalalang inanunsiyo ni Interior and Local Government chief Secretary Eduardo Año nitong Huwebes na puwede nang magkaangkas sa motorsiklo ang mga mag-asawa o kaya live-in partner, matapos pagbawalan ang pag-angkas sa mga motorsiklo dahil sa COVID-19 lockdown. 

Pero dapat ay sumunod sila sa safety protocols tulad ng paglalagay ng protective barrier sa pagitan ng rider at angkas.

“Lalagpas hanggang ulo niya yung barrier para siguradong walang laway na tatalsik. Maganda ito sapagkat talagang protektado yung passenger pero siyempre kailangan dito pagiingat sa pagdadrive, dapat susunod tayo sa speed limit,” sabi ni Año noong Huwebes. 

May iba naman, gaya ni Bernard Ronquillo na suportado ang gusto ng gobyerno.

“Wala naman problema. Kahit gumastos. Mas maganda kung meron para iwas disgrasya. Noon pa gusto ko pa magpalagay nun kasi kahit hindi ko kasama asawa ko, kapag umuwi ako probinsya may lagayan ako ng gamit,” ani Ronquillo. 

Pero pabor man o hindi, may ilang riders na ang nagmamaneho na may angkas kahit na wala pa silang protective barrier.

Ang iba, wala pang suot na mga helmet. 

Pero nanawagan ang pinuno ng Task Force COVID Shield commander Guillermo Eleazar na huwag munang mag-angkasan hanggang walang protective barrier sa motorsiklo. 

Pero nauunawaan aniya ng task force na magkakaroon pa ng adjustment ngayong araw lalo’t hindi lahat ay makakapagkabit na ng protective barrier sa pagitan ng driver at angkas sa motorsiklo. 

Pero puwede naman aniyang mag-improvise muna ang mag-partner. 

“Puwede po 'yun as long as nandun ang resemblance ng mga features na 'yun.
Hindi naman kailangang isa lang po ang gagawa niyan. Puwede pong mag-improvise pero nandu'n po yung acrylic hindi lamang basta plastic at ito po ay dapat securely ay naka-install po sa atin,” ani Eleazar.

May karampatang parusa rin aniya ang mga hindi magsusuot ng helmet at face mask. 

— May ulat nina Lyza Aquino at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.