2 senior citizen, 9 iba pa tiklo matapos mahuling nagsusugal sa Angeles City

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 03:58 AM

Kuha ng CIDG-Angeles City

ANGELES CITY, Pampanga—Naaresto ng pulisya ang 11 katao na naaktuhang nagsusugal sa Kuliat Street sa Barangay Sto. Cristo dito sa siyudad nitong Huwebes.

Ayon kay Police Capt. Leopoldo Cajipe Jr. na hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Angeles City, kahit pa ipinagbabawal na lumabas ngayong panahon ng pandemya, dalawa pa sa mga nahuli ay mga senior citizen.

“Doon nakita natin yung isang malaking compound na iba-ibang lamesa, may mahjong, may tong-its, merong kwaho,” aniya.

Ayon kay ‘Leo’ na nagpakilalang caretaker sa compound, dala lamang ng inip kaya sila nakapagsugal.

“Kasi sobrang init sa loob ng bahay kaya yun naglalaro laro, naglilibang-libang," aniya.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga mahjong set, playing card ng tongits at kwaho, at mahigit P2,000 taya ng mga ito.

Kakasuhan ng violation of Presidential Decree 1602 o illegal gambling at paglabag sa Republic Act 11332 o ang "Law on Reporting of Communicable Diseases" ang mga nahuling suspek.