Presyo ng bigas bumaba ng P2 kada kilo

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 02:47 PM | Updated as of Jul 10 2019 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bumaba ng P2 ang presyo ng kada kilo ng bigas, ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa datos na inilabas noong Biyernes ng PSA, bumaba sa P39 hanggang P42 ang presyo ng kada kilo ng well-milled rice noong Hunyo mula P41 hanggang P44 kada kilo noong Hunyo 2018.

Nasa P35 hanggang P38 naman ang kada kilo ng regular-milled rice mula P38 hanggang P40 kada kilo noong nakaraang taon, ayon sa PSA.

Ayon kay Grains Retailers Confederation of the Philippines (Grecon) President James Magbanua, dumami kasi ang suplay ng bigas sa merkado dahil sa mga inangkat na bigas bunsod ng Rice Tariffication law.

"Ang dami daming supply all over, kahit dito sa (rice) producing areas meron nang dumarating na imported rice," ani Magbanua.

Mabuti man ito para sa mga konsumer, maaari naman daw itong makasama sa mga lokal na magsasaka.

“Wala na nga halos kinita 'yong ating mga farmer dahil doble ang production cost ng ating mga magsasaka kompara doon sa galing ng Thailand at Vietnam,” ani Magbanua.

“Ang kinatatakutan ko baka ma-discourage na silang magtanim ng ganoong product, bigas, palay dahil nga hindi sila makapag-compete,” dagdag niya.

Babantayan ng grupo ang presyo ng bigas, lalo na raw sa Setyembre at Oktubre na panahon ng anihan ng mga magsasaka.

Sinabi noon ng nagbitiw na Agriculture secretary na si Emmanuel Piñol na maaaring makipagsabayan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagtatanim ng mas magandang klase ng bigas.

"That opens a new window of opportunity for Filipino farmers na kung ganoon pala ang treatment ng consumers sa good quality rice varieties, then that could be the focus of Filipino farmers," ani Piñol.

Makatatanggap naman ng mas maraming pondo ang lokal na industriya ng bigas ngayong taon at sa susunod na taon dahil mapupunta sa mga Pilipinong magsasaka ang mga nakolektang tariff, ayon kay Piñol. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.