Mga pasyente ng ospital sa Kidapawan, nagsilabasan dahil sa lindol

Arianne Mae Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 10:15 AM

Nagsilabasan ang mga pasyente ng isang ospital sa Kidapawan City nang makaranas ng aftershock bago mag alas-9 ng umaga ng Miyerkoles. 

Pansamantalang nakapwesto ngayon sa center island ng Quezon Boulevard sa tapat lamang ng Kidapawan Doctor's Inc. ang mga pasyente kasama ang kanilang mga bantay at nurses.

Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala ng 4.9 magnitude ng lindol 11 kilometers northeast sa bayan ng Makilala sa North Cotabato alas-8:56 ng umaga.

Intensity V naman ang naramdaman sa Kidapawan City.

Ito umano ay aftershock sa naunang lindol na yumanig sa bayan din ng Makilala nitong Martes ng gabi.

Ipinag-utos na rin ngayong umaga ni Kidapawan Mayor Joseph Evangelista na kanselado na ang pasok ng city hall.

Walang pasok na rin sa lahat ng antas sa lungsod maging sa bayan ng Makilala na episentro ng 5.6 magnitude na lindol Martes ng gabi.

 

Samantala, nagsilabasan naman agad ang mga junior high school students ng Ateneo de Davao University mula sa kanilang mga silid-aralan at nag-evacuate sa open field matapos na maramdaman ang aftershocks.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.