3 botika sa Benguet magkakasunod na ninakawan

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 04:58 PM

Huli sa CCTV ang panloloob sa isa sa mga botika sa La, Trinidad, Benguet. Screengrab

Tatlong botika ang magkakasunod na ninakawan sa bayan ng La Trinidad, Benguet kung saan higit P30,000 ang natangay, ayon sa awtoridad Martes. 

Ayon sa pulisya, nakuhanan ng CCTV camera ang pag-angat ng roll-up door sa isang botika kasunod ang paglusot ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa ilalim ng pintuan.

Sa isa pang CCTV, makikita rin ang salarin na naghahalungkat ng cash drawer. Nang mapansing may CCTV, pinatay niya ang fuse nito kaya hindi na nakuhanan pa ng video ang mga sumunod na nangyari.

Nadatnan na lang ng pharmacy assistant na magulo na ang mga gamit at nawawala ang higit P10,000 na nakolekta nila sa pagbebenta ng cellphone load.

Dalawang iba pang botika din ang nagreport sa pulisya na ninakawan sila ng higit P20,000. 

Tinutukoy pa ang lalaki sa video. Pinayuhan naman ang mga establisimyento sa lugar na maghigpit sa kanilang seguridad at huwag mag-iiwan ng malaking halaga ng pera sa kanilang mga cash drawer. - Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.