Lalaki, 'nanghalay' ng 2 anak ng mga kaibigan, huli

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang isang lalaki sa Parañaque City matapos umanong halayin ang mga anak ng mga kaibigang madalas magpatuloy sa kaniya sa kanilang bahay.

Hinuli ng mga tauhan ng barangay at pulisya noong madaling araw ng Linggo ang suspek na si Alfredo De Luna matapos ireklamo ni alyas "Camille," ina ng mga biktima. 

Kuwento ni Camille, nagising siya noong gabi ng Sabado sa ginagawang pangmomolestiya umano ng suspek sa kaniyang limang taong gulang na babaeng anak.

Sabi ni Camille, hindi niya namalayan na binuksan ng suspek ang pintuan. Ang sumunod umano niyang naramdaman ay mayroon nang ginagawa sa kanyang anak. 

Nang maaresto ang suspek, umamin din ang 18 anyos na anak ni Camille na nagkaroon din umano siya ng masamang karanasan sa suspek.

Higit 10 taon nang kasa-kasama ng pamilya ni Camille ang suspek, na itinuturing na nilang kapamilya.

Dismayado naman ang ama ng mga biktima nang malaman ang ginawa ni De Luna. 

Ipinasok niya raw dati ang suspek sa trabaho bilang family driver pero natanggal din ito matapos umanong manyakin ang anak ng amo.

"Sa lahat ng bagay, trabaho, pinansiyal, pati iyong magulang niya, kami po iyong sumusuporta noon kaso lang inabuso niya iyong kabaitan namin," anang ama ng mga biktima. 

Sinampahan ng kasong acts of lasciviousness ang suspek.

Isasailalim naman sa counseling ang mga biktima.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.